Panaginip (3/3): Ang Huling Liham Sa Gamu-gamo ng Luna
Kung
gusto mong maunawan ang tagalupa kailangan mong malaman na wala silang
permanenteng kasiyahan at palaging uhaw sa kapangyarihan. Gugugulin nila ang
buong oras at lakas nila para lamang makasadya ng teknolohiya na pitong araw pa
lamang ay kating-kati na nilang palitan. Nakakulong sila sa nakaraan at sa
pagsisisi sa mga maling desisyon; na kung sana’y pinili nila ang mas mayamang
manliligaw; na kung sana’y hindi nagpabulag sa hilaw na pag-ibig. Ang hindi
nila alam, ang kawastu-an at kamalian ng desisyon ay isang ilusyon. Ito’y bunga
lang ng tumatandang mga mata at lumalabong kaisipan. Walang sobrang samang’
sitwasyon na hindi ito pwedeng mas lumala pa. Kagaya ng presyo ng mga butil na
tinatawag nilang bigas. Hindi permanente ang presyo nito --- palagi itong
pataas.
Hindi
ko na kayang ilarawan ang dimensyon matapos itong buwagin ng Buwan. Masyado
nang maraming detalye. Totoong nabuhay na ang mga namatay sa dimensyon --- kagaya
ko. Hindi na kami multong ang kaya lang gawin ay manuod sa pagkamatay ng ibang
ereheng tagalupa. Naging matagumpay ang pag-aaklas laban sa mga kawal ng dilim
at ang panaginip ang syang solong tulay para makilala mo ang ibang uri. Syanga
pala, wala na din akong kaibigan doon. Simula nang naging malaya ang tagalupa,
hindi na nila kinailangang magtipon-tipon. Totoo nga pa lang ang kalayaan ay
tumutuloy sa pagkakanya-kanya.
May
mga balitang kumakalat na sa paglalakbay ng ilang tagalupa ay may nakita silang
isang tore. Ito ay inihulmang putik na sa katagalan ay aakalain mong yari sa
bato. Doon pinaniniwalaang bumababa ang Buwan kapagka dumarating ang Araw. (Lahat
alam ang kwento sa likod ng pagtatago ng Buwan kay Araw.) Ang Buwan at ang mga
tagalupa lamang ang may kakayahan na magpabalik-balik sa magkabilang dimensyon.
Dumami na ang populasyon ng mga tagalupa na nakakarating sa estado ng
pananaginip (pili’ lang ang nagkakaroon ng panaginip). May ilan akong
nakikitang wala sa sarili, siguro’y hindi pa kontrolado ang pagkilos. May iba
namang biglang susulpot at bigla ding mawawala. Kung isa ka sa mga nakarating
sa parehong dako, ibang koneksyon ang mararamdaman mo kapag nakikita mo ang
buwan. Ito’y parang pagtitinginan na kayo lang ang nakakaalam ng kahulugan.
Mahirap
umibig sa dimensyon, duda din akong merong pag-ibig na mabubuo sa tagalupa at
sa ibang uri. Kung meron man, panandalian lang ito at hindi sagrado.
Natatandaan ko nung akalaing kong umibig ulit ako. Isa siyang nimpa. Nakaupo
siya sa gilid ng isang sapa habang hinahaplos ang kulay ginto niyang buhok. Una
kong binalak na gupitan siya nang sa gayon ay maibenta ko sa malaking halaga.
Pero naalala kong tanging ala-ala lang ang nakakalusot sa kabilang dako. Sapat
na siguro ang masilayan ang kanyang mukha. Kinilabutan ako sa magandang paraan,
nang bumaling siya ng tingin sa akin. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko nang
masilayan ang maganda niyang ngiti. At doon na ako nagising.
Ito
ang huling panaginip na maikwekwento ko sayo.. Alam kong ako lang ang gumawa ng
mga ito, na sa likod-likod nito ay ang imahinasyong binuo ng aking kaisipan.
Ang mga kawal, Buwan, nimpa at ikaw --- ang gamu-gamo ng Luna ay hindi ko
mabigayang buhay sa letra. Maaaring ito ay bunga ng kakulangan ko ng husay sa
pagsusulat o sadyang may mga bagay na hindi talaga sasapat sa kwento.
Sinabi
ko sayo sa nakaraan kong liham na sobrang hina na ng aking memorya. Ito’y bunga
ng sobrang pag-iisip, sa mga bagay-bagay sa nakaraan at sa hinaharap. Ayokong sabihin
na magkikita pa tayo. Gusto ko nang kumawala sa pangangarap na ito.
Mamumuhay
ako na parang namatay na ako kahapon. May pagpapahalaga sa bawat segundong
pumapatak, ngunit walang panghihinayang.
Comments
Post a Comment