Academe
Mahabang
kwento kung iisa-isahin ko ang nangyari ngayong linggo. Maraming sabi-sabi,
komento, reklamo at suhestiyon. Maraming pangungutya at papuri. Tinanggap ko
silang lahat. At nakakatuwa na dahil
doon, napatunayan ko na totoong tao pa din ang mga kasama ko sa pang-araw-araw.
Ganun ang malayang komunikasyon, laging may dalawang mukha, kontrapelo.
May mga
kaklase akong nagsabi na mabuti daw kung magtuturo ako matapos gumraduate. “Kailangan
mo talagang mag-academe. Apply ka sa department ha.” May mga rason silang binanggit
para kumbinsihin ako. Nagulat ako na ganun pala ang impresyon nila. Na kapag
nagsasalita na ako, at kapag nagtatanung-tanong sa klase ay aakalaing alam ko
talaga ang mga sinasabi ko. Minsan hindi ko lubos alam ang sinasabi ko, pero
totoong gusto kong magtanong hindi para magpasikat. Ang pagkatuto ay
nagsisimula sa pagka-usisa. Hindi ako para magtanong sa prof kahit alam ko din
naman ang sagot.
Hindi din
ako maniwala nang sinabi ng orgmate ko na narinig niyang pinagkwentuhan ako ng
mga kaklase ko nang minsang mag-report ako sa klase. Aminado ako, masinop kong
inisip ang pagpapa-simple sa mga teorya para maunawaan ng mga mas bata kong
kaklase. Hindi ko lang inakala na aabot iyon sa pagkukumpara nila sa akin at sa
instructor namin. “Ganun ba ako kagaling?” Napailing ako dahil ginagalang ko
ang instructor namin kasama ng husay at pagkukulang niya.
Pinag-iisipan
ko kung didiretso ako sa academe sa isang taon, o kung tutuloy pa ba ako sa law
school. Bahala na. Pero bago iyon,
kailangan ko munang bunuin ang natitirang linggo ng semestre. Teka’t matutulog
muna ako.
Comments
Post a Comment