Wanstef at a Time



Isang hakbang lang ang kailangan ko. Isang hakbang lang sa ngayon. Makalapit lang. Makita ko lang na may paggalaw. Titigilan ko na ang pagmamadali na para bang lagi na lamang akong nahuhuli sa call time.

Dahil kanina lang naintindihan ko nang ang career ay hindi karera kapag tinagalog. Kaya kapag nahuhuli ako sa byahe, iniisip ko na lang na kahit hindi man kayang pabilisin ng pasensya ang lumang makina, papahabain naman nito ang saya. Dahil kahit ganun man, ang oras ay parang jeep sa terminal ng Calamba. Mapag-iwanan ka man ng panahon, siguradong may darating pang kasunod na pagkakataon. Itutulog ko muna. Kasi alam kong lagi namang may kasunod ang last trip. Anong kasunod? First trip.

Isang buwan at kalahati na pala ako sa La Salle.Hindi ko akalain na sobrang bilis lang pala nun. Kung gaano ako kakupad sa pagche-check ng mga papel, ganun naman kabilis ang pag-usad ng mga araw. Alam ko sa loob ko na ayaw ko pa talagang magtrabaho. Konti pa sanang bakasyon. Isang linggo bago ang graduation kasi ay pumasok na ako sa La Salle para magturo. Biruin mo, estudyanteng teacher ako nun. O teacher-estudyante. Ano bang tama? Basta. Habang nag-aaral ako ay nagtuturo na ako.

Mahirap palang magturo kaysa sa inaasahan ko. Akala ko kayang-kaya ko na kaya nung undergrad ako kating-kati na akong mag-apply sa department namin. Buti na lang hindi natuloy. Kasi kung nangyari yun, kakainin ako nang buhay ng mga isko at iska. Ngayon ko lang naintindihan na kailangan nga pala na dumaan ako sa proseso. Para hindi hilaw ang banat ko sa klase.Para hindi ako mawiwindang kapag dumarating na ang mga tanong sakin. Ang nakakapang-liit lang sa school ko ngayon ay mas magaganda ang accent ng estudyante ko sa akin. Nakakahiya man, hindi ko maiiwasan ang pagbuhol ng dila kapag nagsasalita.Tapos natatawa na lang ako kasi interchangeable ang f at p sa akin.Sinisisi ko ang mga kalaro ko kasi nung naglalaro kami ng Ingles-inglesan, e ako ang pinakamagaling. Ayan tuloy. Gusto kong ibalik ang pagkabata.

Alam kong ikaw, gusto mo din.Kung kagaya kita na dumaraan sa transition ng buhay ngayon, nararamdaman kita. I peel you bruh. We’re in the same voat here, ika nga. Pero may tiwala akong nasayo pa ang dating pagkabata. Dahil nasayo pa rin ang bata na nasisiyahan sa pakikipaglaro. Ng damdamin, halimbawa. Biro lang, ang maganda sa mga katulad natin ngayon ay may kakayahan ka nang makita ang laro sa lahat ng bagay. At may kakayahan kang maging masaya sa kahit anong ginagawa natin. Wag mo lang didibdibin. Kung hindi ka pa nakakahanap ng trabaho. Enjoy mo lang. Kung naii-stress ka na dahil sa trabaho. Okay lang yan. Parte yan ng proseso. Ibig-sabihin nyan ay umaalis ka na sa comfort zone mo. Mabuhay ka! Malapit ka nang magtake-off.

Sa tingin ko, malaking problema ko ay nakuha ko sa pagmamadali. Pinagsisihan ko iyon. Kagaya ngayon, gusto ko agad maging cool na teacher kahit wala pa naman akong karanasan. Maling-mali. Wag mong gagawin iyon. Ang pinaka-huling pwede mong gawin ay malungkot kasi sa tingin mo ay hindi mo ma-meet ang expectations mo sa sarili mo.

Ang totoo naiinip na ako ngayon. Ito ang kabanata ng buhay ko na gusto ko nang magfast-forward para maging mas maayos ang buhay ko. Para makilala bilang magaling na guro. Pero binabalik ako ngayon sa paghihintay at pamumuhay sa ngayon.Kung hindi ka gifted, kagaya ko, normal lang yan. Normal lang sa atin ang effort-effort paminsan minsan. Pero alam mo, darating ka din dun. Darating din tayo sa kung ano ang pinaplano natin. Tuloy-tuloy lang. Wanstef at a time lang.

Naniniwala din ako na lahat naman dadaan sa proseso ng paghihintay. Naniniwala akong makakaharap tayo sa sitwasyon na biglang magtuturo sa atin ng mga leksyong pinilit nating laktawan. Kaya mahalagang harapin natin ang mga bagay-bagay na meron tayo ngayon. Kung ano ang hinihingi ng pagkakataon, yun ang ibigay natin. Bakit natin ibibigay, kasi may kakayahan nga tayo. Kasi hindi tayo palalampasin ng buhay na wala tayong natututunan. Kasi kailangan tayo. At nabubuhay nang hindi para sa sarili lang.

Natatakot akong baka hindi ako maging magaling na guro sa mga estudyante ko. Nakakapagod na maraming hinihinging pagbabago. Nakakakaba na baka pumalya ako ngayon. Pero isang hakbang lang ang kailangan ko. Isang araw lang. Isang klase lang. Isang estudyante lang na maniniwala sa akin, na matututo sa akin. Pagdating ng hapon, isang salamat lang ang kailangan ko para bumalik kinabukasan para sa panibagong leksyon. Hindi lang para ituro, pero para matutong muli sa klase.

Comments

Popular Posts