Panaginip (1/3)
Ikaw ang sentro ng uniberso
ang kahulugan,
ang pinagmulan ng kagandahan.
Nang minsang
napapikit ā¦..
Itim at pula lang ang nasisilayan sa
mundong ito. Pula ang mga kawal samantalang itim naman ang pader na kanilang
binabantayan.Totoong harang ang pader, ito lang ang maaari mong matanaw habang
nakatuntong ka sa lupa. Nagtaka nga ako kung bakit may mga kawal sa labas ng
pader. Minsan kasi nilakad ko ang palibot nito at wala naman akong nakitang
pintuan, ni walang butas sa pagitan ng mga batong pinagpatong-patong. Paano
kaya nakatawid ang mga kawal?( Siguro lumiban sila mula sa kabila gamit ang lubid o kung anuman.)
Luma na ang pader, may mga ukab na sa pisngi nito. Yung mga ukab ang ginamit ko para maakyat ang pader nang sa gayon ay makita ko ang kabilang landas. Nakabitin na ako sa parteng dulo, nakakapit nang mahigpit habang binubuhat ang sarili pataas nang bigla namang nakita ako ng kawal. Hinagisan niya ako ng sibat. Sa pagbagsak, nadurog ang aking mga buto, dahilan para di na makatayo at makatakbo. Ramdam ko ang sibat na nakatarak sa aking tagiliran. Wala ring humpay ang pagtulo ng dugo. Maya-mayaāy nawalan na ako ng malayāyun na pala ang kamatayan ko sa dimensyon.
Mula noon ang kaya ko na lang gawin ay magmasid sa mga tagalupang lumalagpak sa pader at ginugulpi ng mga kawal, namamatay. Napakatigas ng ulo ng mga tagalupa. Ngunit hindi ko sila masisisi, hindi ko masisisi ang tulad ko na tinatamaan ng pagkausisa. Para mo na rin kasi silang pinatay kapag pinigilan mo sa pagtuklas. Parang bilanggo ang mga kaluluwa sa lugar na ito.
Minsan habang nagmamasid, naligaw ka sa aking hiraya. Taglay ang ganda na hindi pa nasaksihan ng mga mata; ni hindi pa nasagi sa aking isipan kahit habang nagpapantasyaāhabang pinapastol ang ideya sa malawak na kaparangan ng imahinasyon. Hindi ka taga-lupa. Hindi din pula. Hindi ko alam kung saan ka nagmula, pero nalaman ko ang kahulugan ng kagandahan nang makita ka. Kinampay mo ang iyong mga pakpak sa kasuluk-sulukan, sa ilalim ng tanglaw ng iyong inang si Buwan. Marami kayo, iba-ibang kulay, iba-ibang tingkad ng pakpak at namangha ako sa aking nakita. Kumaway ako, dala ang pinakamalaking ngiti subalit hindi niyo ako napansin.
Kinulayan ninyo ang pader. Mahusay ang pagkakapinta, may pula, luntian at dilaw.May mga imahe din ng bahaghari at araw. Wala akong malay na sinasakop niyo na pala ang dimensyon. Nabubura ang mga kawal sa tuwing napapatakan sila ng pinta. Nawawasak ang pader sa tuwing malalapatan ng kulay.
Iminulat ko ang aking mga mata. Dati ay wala akong naalala sa tuwing magigising, kung meron man ay yung pader at kawal lang, walang ibang alam na kulay, walang kwento. Ngunit iba na ngayon, naalala ko ang iyong ganda, ang iyong pagsakop. Naisulat ko ang kwento sa sobra kong pagkatuwa.
Iyon ang una kong panaginip.
May gumagalaw, may mga imahe, may kwento. Mga panaginip pala ang nasa loob ng mga harang. Natutuwa ako na sa tuwing ipipikit ko ang aking mata ay hindi na itim at pula lang ang aking nakikita. Nagugulat ako sa mga kwento sa loob ng panaginip, parang totoo. Sabik ang nadarama ko sa tuwing tinatamaan ng antok. May mundo kasing naghihintay sa takip na mga mata, mundong walang pagkabagot.
Kayo ang diwata ng panaginip, ang nagbukas sa dimensyong matagal na panahong inasam na mapasok ng mga taga-lupa. Ikaw ang diwata na nagbigay kahulugan sa kagandahan. Ikaw ang nagbigay katuparan ng mga panaginip at sanay magbigay katuparan sa mga panaginip.
Maraming panaginip ang lumabas hanggang dumating ang puntong nalimot na kita. Wala na ding taga-lupa ang nakakatanda ng inyong kagandahan at kabutihan.
Ngayon, naalala kita. Ang tingkad ng iyong pakpak. Ang ganda sa ilalim ng tanglaw ng buwan. Pinilit kitang makita sa panaginip, ngunit wala ka. Nasaan ka na kaya?.
Comments
Post a Comment