Reflections sa Pagka-Abala

Lagi kong nababanggit ang pagiging abala ko nitong mga nakaraang araw. Ginagawa ko siyang dahilan  sa mga kaibigan kong nag-aaya ng mahabang kwentuhan. Pilit kong pinauunawa na kinakaya ko pang pagsabayin ang pag-aaral at ang pagtatrabaho. Marahil, ang kont ay nakakaunawa. Sana, lahat ay nakakaintindi. Pero, marami ang walang pakialam.

Kapag sinasabi ng mga groupmates kong busy sila sa kung anu-anong bagay na di nila binabanggit, ngumi-ngiti na lang ako. Sa loob-loob ko, kapag naranasan mo nang magpuyat para lang magtrabaho mauuunawaan mong hindi ka talaga abala. Siguro marami lang silang iniisip. Dumating din naman kasi ako sa ganung pagkakataon. Na natapos na ang papel namin, wala pa akong naintindihan. Ngayong ako na ang nasa sapatos ng group leader, hindi maiwasan ang pagkatuwa. Tumatalbog pabalik ang lahat ng sakit ng ulo na binigay ko sa mga group leaders namin. Natatawa na lang ako ngayon at sinusubok ang pasensya.  Ngunit ang maganda sa lahat ay di nawawala ang pag-asa.

Hindi naman bago sa akin ang magtrabaho. Nauna na akong naging student assistant sa DCERP(basta sa environment planning ito) dalawang taon na ding nakalipas. Ito naman ay di ko pinagsisihan dahil masarap ang mga pameryenda ni Dr. Rola tuwing maghahapon na. Dagdag pa ay walang stress sa trabaho. Mag-eencode lang ako hanggang gusto ko. Kung ayoko na, magpapaalam ako kay Tita Vera para umuwi. Walang deadlines. Walang pressure.




Ngayon, part –time data technician ako sa isang BPO company. Pinapadala mula sa Mexico ang death/birth/marriage certificates nilang sulat kamay para i-encode namin. Syempre Spanish pa ang linggwahe kaya meroong software na ginagamit para iinput ang mga pangunahing detalye.  Mahirap ang kitaan pero hawak ko naman ang oras ko. Sideline din ang pagbebenta ko ng bags. Dito ko naunawaang malaki ang pagkakaiba ng negosyo sa trabaho. Ngayon lang lumalawak-lawak ang isip ko sa mga posibilidad na pagbuo ng mga kompanya at pagtatrabaho nang hindi para sa pera, bagkus ay pagtrabaho-in ang pera para sa akin. Ang solusyon? Isang malalim na pundasyon sa pagkakaiba ng assets at liabilities. Ito din ang punto ng mga pag-uusap namin ng mga kaibigan ko nitong nakaraan. Sabi ko, sa kahit anong yabang pa ng mga taga-UP, sinasanay pa rin lang tayo ng unibersidad upang maging magaling na empleyado hindi magpapasweldo. Nasa elitistang estudyante ng mayayamang unibersidad pa din ang huling halakhak.


Kapag iniisip ko na matatapos na ang semestre, nalulungkot ako. Marami nga akong natutunan pero alam kong iiwan ko din ang karamihan dito. Ayoko man, ang mga leksyon sa klase ay mawawala na lang sa kalagitnaan. Hindi ko sila maaalala. Gayunpaman, ang mga pagpapahalagang nabuo mula sa sitwasyon na kinakaharap ko ay magpapatibay sa kung sino ako sa hinaharap. At magugulat na lang ako, at ang ibang tao sa malalaking bagay na maiisagawa ko sa tulong ng Diyos.


Comments

Popular Posts