Patungkol sa Damdamin

Masigla kong sinalubong ang umaga kanina.

Nag-jog ng trienta minutos mula sa bahay namin hanggang sa pinakamalapit na village bago sumapit ng “bayan” ng Tayabas. At bumalik din kaagad. Matagal ko na ding gustong tumakbo e. Simula kasi nang umalis si kuya nitong isang buwan para mag-training, wala na akong kasama tumakbo. Accountability partner, tama. Pareho na kasi kami tumataba. Total naman nami-miss din naming tumakbo kaya ayun nagkasama kami.

Kadalasan kasi babalik si kuya galing ibang bansa na napakataba. Para bang lobong hinipan. Ewan ko, ganun siguro kapag hindi mo nakikita ang isang tao ng napakatagal, napapansin mo ang mga pagkakaiba. Mapapansin mo ang buhok, balbas, ang paglago nito o ang kataka-takang hindi nito pagtubo. Na kung tutuusin ay mga maliliit na pagbabago na nasementuhan sa pagdaan ng araw.

“Mainip kasi sa barko, halos wala ka gagawin puwera kumain.”

 “Ano ba namang dahilan yan? Akala ko ba may basketball court kayo sa barko?”

At masusundan yun ng pagpansin sa lumalapad kong katawan. Minsan, sasangat si Mama at uungkatin niya ang mga sakit na nakahalo sa dugo namin. Babanggitin niya ang parehong sakit na ikinamatay ng halos karamihan sa angkan namin (sa parte ni Papa). Sa magkakapatid na lalaki nina Papa, isa na lang ang natitira. At lahat ng apat na tito kong iyon ay hindi ko na naabutan kasi namatay sila bago pa sumapit ng singkwenta. Minsan, babanggitin niya si Papa bilang pinakamalapit (at pinakamasakit) na halimbawa. Oo, fifty si Papa nung mamamtay siya. Sikwenta pilato, ika ng iba. Dito ko makikitang mas gumaling nang magkwento si Mama dahil hindi ko mapapansin ang pagbabago sa tono niya sa tuwing babanggitin niya ang mga bagay patungkol sa yumaon kong ama. Matagal ko nang inamin na may angking husay nga sa  sining ng pakikipag-usap sa tao si Mama. Alam niya ang tamang tono at lakas ng boses. Alam din niya kung anong mga pamungad sa mga kakilala na araw-araw na nakakasalubong, o sa mga matagal na kaibigang aksidenteng nakakasalubong sa daan. O sa mga taong hindi kakilala na biglaang nakakausap sa sandaling magkasalubong lang ng tingin.

Sa ganitong panahon, maiisip ko ang kakatwang bagay sa memorya. Ang ala-ala na nga siguro at ang akto ng pagpapanatili nito ang pinakamagandang regalo o ang pinakamalalang sumpa na maaari nating sapitin. Sapagkat tuwa at sakit ang kalakip ng mga ala-ala. Hindi mo iyon mapaghihiwalay. Hindi mo masasabing ang isang ala-ala ay purong kasiyahan lang. Dahil sa sandaling maalala mo na may ganun kasayang pangyayari sa nakaraan, susundan naman ito ng pananabik, mas masama, panghihinayang. Susundan ito ng tanong at paghiling na sana’y maulit yung dati. Hindi sa kadahilanang gusto mong maligo sa ulan, kung ganun man, ngunit gusto mong maramdaman ang saya. Iyong parehong sayang ibinahagi mo sa mga kababata mo o kung sino mang mahalaga sa iyong buhay.

Naisip ko, siguro mas puro pa nga marahil ang saya sa mga tuluyan nang nakalimot. Sa gayon, bagong ala-ala na ang parating lilikhain mo. Sa gayon, walang pagkasawa, hindi ba? Pero ibang kwento na iyon.

Ang pagtakbo ko pauwi ay ang pagsisimula ng araw ng karamihan. Napansin kong marami sa mga nakasalubong ko ay hindi ko na kilala kahit parehong barangay lang naman ang tinitirhan namin. Nung dati, halos kilala ko lahat. At kilala ako ng halos lahat. Syempre hindi bilang ako kundi bilang anak ng mga magulang ko. Kilala sa mukha kung “taga-ibaba” o “taga-ilaya”, na tingin ko ay hindi na possible ngayon. Maraming pagbabago. Natuwa ako nang nakita kong yung mga kalaro ko dati ay may mga karga-karga ng sanggol ngayon. Naisip kong masaya ako para sa kanila, kung ano pa man.

Sa pagtakbo ko pauwi, hindi maiwasang maalala ang maliit na karanasan na nasalubong sa maikli lang na daan. At hindi maiiwasang mapangiti dahil alam kong sa maliliit na karanasan nagkakaroon ng saysay sa buhay. 

Comments

Popular Posts