Free Soul


Alam kong may ilang taong inuubos ang buong oras sa pagbabasa. Nalilibang sa mga kwento nina Ricky Lee at Eros Atalia. At mahuhumaling sila sa sining ng pagkekwento at mahuhulog sa tula ni Severo. Kaya isang umaga, makakaramdam sila ng tawag ng pagsusulat. Tasa ng kape lang ang magdurugtong sa siklo ng pagkabagot at pagbangon para sa masalimuot na paglikha ng akda. At sa pagdilim, hindi pa rin mauunawaan kung paano gagawing obra ang isang basura.

Kung may mga taong baliw sa paglikha, hindi naman siguro masama kung may isang taong ang gusto lang gawin ay pakinggan ka. At maiinis ako kung bakit hindi ka niya maintindihan, pero hindi kita pipigilan sa paglapit sa kanya. Bibigyan kita ng duda. Na baka panahon lang ang mali at hindi ang paraan nya ng pag-ibig. Dahil ngayong malapit ako sayo, lalo ko lang naiintindihan kung bakit ka nya gustong makita at makasama. Kung bakit sinasabi nya na kaya niyang mawalan ng halaga para sayo.

 At mauubos ang oras ko sa pakikinig sayo, pero hindi ang kagustuhan kong maintindihan at makilala ka.


Comments

Popular Posts