Nasa bote pala si Genie

Walang bago( purong hinuha at hindi masasabing tama at totoo).

Pumasok ako sa CR kung saan pink ang dingding at may gasgas na salamin. Naawa ako dun sa salamin dahil mukhang hindi natuluyan nang magtangkang magpatiwakal noong isang araw. Ang balita ko kasi sa kanya daw nananalamin yung terror na mga professor sa unibersidad. Itsura pa lang daw ay nakakasindak na. Pambabae ba yan? Oo sana ang sagot ko pero talamak kasi ang pananalamin at paggamit ng mga bading na professor sa banyo na iyon. Hindi daw masalamin ang katotohanan na may sariling CR na ginawa para sa mga may bitbit na junior.
 
Wala akong nakitang astig na CR. Astig- yung CR na may asul na dingding at may graffiti ng ibat-ibang rockets. Basta, yung buga ay nasa itaas at malamang hindi sa ibaba. Pababa siguro ang lipad nun. Sa ilalim ng rocket ay meron ding salitang f**k. Censored pa daw yung dalawang letra, bakit kaya? Hindi ko rin alam pero dahil yun ang nakita ko eh yun na lang din ang isusulat ko para medyo magmukhang totoo ang kwento.

Walang CR na panlalake. Gusto ko lang sanang umihi nang sa gayon ay mapunan ang pangangailangan at gumaan ang pakiramdam. At dahil wala na akong makitang iba kundi yung CR na may nakapintang naka-paldang karakter, yun na lang ang pinag-isipan kong pasukan. Nagdalawang-isip pa ako, ngunit naisip ko na kailangan ko ding manalamin. At dahil walang salamin sa CR ng mga macho eh hindi na nag-atubiling pumasok pa. Magaan na ang pakiramdam at salamin naman ang kailangan. Tinagalan ko pa ang pananalamin sa pag-iisip na magkakaroon ng teleserye scene sa banyo. Yung tipong may magugulat at magsisi-sigaw dahil may nakitang lalake (negatibong paraan). Walang ganoong eksena sa karanasan ko. Walang pumasok na babae at wala ding babaeng nasa loob ng CR kasabay ko.

Masasabi kong biktima ako ng mga bading na professor na hindi ginagamit ang CR para sa kanila. Marahil ay ipinasara na yung CR nang minsang mahuling hindi na ginagamit. Aksaya pa kasi sa maintenance kung bubuksan pa daw. Kung naaawa ka sa mga lalaking professor na hindi na makakagamit ng CR eh huwag na lang. Balita ko lahat ng mga macho ay nagpaka-bakla na nang malamanag wala na silang iihian. Amoy na amoy ang panghi ng kasinungalingan. At bakit may bangag na nakakaisip ng kwentong puro kabanyuhan?

Ilang bote na ba? Hindi ko alam basta kung anu-ano na ang pinupuntahan ng usapan. Magulo na. Magulo katulad nung napanuod kong pagtatambal ng French at Pilipino. Magaling yung Pilipino sa pagsayaw samantalang bingi yung French. Music daw kasi yung ginagawa nya eh halatang hinugot lang sa kung saan. Pero lusot sya kung sasabihing relatibo ang kahulugan ng musika. Magandang ideya.

Hindi kagaya ng ginagawa ko noong una, hindi na ako nagsalita nang mahaba. Sawa na sa ganyan kahit ang kaalaman ay kulang. Hindi pa rin naman tumitigil sa pagbabasa, hindi pa rin ngunit sawa na sa pakikipagtalakayan. Ibang bagay na lang muna ang ating pag-usapan para lahat ng nagbabasa nito ay may maunawaan.

Bakit kasi hindi ka pumunta? Kung pwede ka sana ay dapat talaga.

Umalis ako, iniwan na syempre ang mga kwentong nabuo sa ilang basong bote. Kung ilang bote ang kinailangan para makadating sa ganitong kwento ay hindi na din alam. Malamang dahil sa bote na bawal daw buksan ng mga bata at malamang sa malamang din ay lalung-lalo nang bawal inumin ang nasa loob ay nakarating ako sa estadong ito.Nabuo ang estado sa malikot na kaisipan at walang rasyonal na dahilan. Ang bilis na ginagawa ang mga bagay, walang alinlangan. Banat nang banat kumbaga. Kapag ininom mo ang nasa loob ng bote ay magkakaroon ka ng kaalaman. Kaalamang kapag nasa rasyonal ka ay hindi mo maiiisip. Kaalamang ipinagkakaloob lang sa mga machong nangahas na sumuway (hindi naman ganun ka-macho!).

Kung hindi nagahas inumin ang bawal sa bata malamang hindi naging ganito ang kwento. Magulo.

Mangahas ka at nang makarating sa kaalamang hindi  pa napupuntahan ng munting isipan. Payo ko lamang naman.

Comments

Popular Posts