Tautology

Nabuo ang kwento sa malikot na imahinasyon ng isang ambisyosong manunulat na nagbigay ng halaga sa mga bagay na “nandyan at lantad na ngunit bakit hindi pa rin binibigyan ng halaga?”. Walang halong drama ang kwento, puro lang bagay na nangyari na at gusto lang balikan.

Nagsimula ang kwento sa N. At alam kong napansin mo iyon at hindi na dapat ulitin pa.


Tinitipa ko ang piling’ piraso ng teklado, isa-isa, pilit binibilisan, nang sa gayon ay maihabol sa mabilis at malikot na kaisipan. Nabubuo na ang mga salita. Nagkaroon na ako ng isang pangungusap at ngayon ang pangungusap ay pa-tatlo na. Kung ipagpapatuloy pa ay makakagawa ng isang talata at maaaring dumating sa kinatatakutang walang ibang mabasa sa lathala kundi ang ganitong teknikal na drama.
 
Ang tatlong linyang nakaliyad sa logo ng adidas ay pagpapasalamat sa puno ng goma. Ang tatlong linya ay ang malalim na pagalarawan ng mga sugat na inukit sa puno para mailabas ang kanyang dagta. Dahon ng  goma din ang pinagbatayan ng mas bagong logo, at mapapansing may guhit din ito sa ilalim. May kalaliman mong sinabi ”Totoo talagang may mga bagay na hindi man kagustuhan, kailangang sugatan”. Ngumiti ka pa sa akin, ano pa ba ang gagawin ko, edi lumingon ako sa iba. Suplado ako sabi mo, tinandaan ko yun. Gayunpaman, hindi ka pa ring nagsasawa na magkwento sa akin.


Uy, pwede bang sukob na lang tayo sa payong mo, nahihirapan kasi akong magsulat eh”, yan ang una nating pagkikita. Nagpasalamat ka pa kunwari, para hindi kita matanggihan. Dinaan mo ako sa ngiti kaya hindi na lang ako nakaimik. Nagtanong ka, pangalan ko, kurso, batch, kung anu-ano. May kasawaan kong sinagot lahat ng iyon. Medyo may kakulitan ka kasi atsaka nga pala, ang bilis mo ding magsalita. Minsan pwede naman sigurong magtanong nang malumanay tiyak sasagutin din iyon ng tamang-tama lamang.


Field-trip natin, sa biyahe, nakatingin ako sa monumento ni Dr. José Protacio Mercado (Rizal) Alonzo y Realonda . Iniisip ko noon kung ilan nga ba talaga ang monumento ng nasabing bayani sa buong bansa. Higit pa ba ito sa bilang ng letra ng pangalan niya?

Ang tahimik mo na naman(may kasamang isme).”
At para patunayang tahimik ako, hindi ako nagsalita, hindi kita pinansin para mapapatotohanan lamang ang sinabi mo.

May ka-text ka pa noon, kaibigan mo malamang,“Take care”, mensaheng aking nasulyapan. Inihahanda mo din ang iyong kamera, kamerang napuno ng mga litratong apat na lalaki ang laging bida, isa ako sa apat. Bilang' ang kuha mo mag-isa. Bilang na bilang mo rin kasing iniabot ang kamera sa amin para ika’y makuhanan.


Sabay-sabay kayong nag-wish sa kapilya ng Caleruega, pumikit lang kasi ako, sapat na ang katahimikan para mapagan ang pakiramdam. Nakinig ko kay Isaac ang mabigat na pagnanasa, “Sana maging class-valedictorian ako.” Mapapaubo na sana ako sa sobrang bigat kung hindi ko naalala ang talino at sipag niya, “possible pa rin”, nabanggit ko. Posible pa rin. Buti naman ang pagnanasa ay walang halong kaitiman.Sa paglubog ng araw ang field-trip na sinabi ni Natlog na “Waley naman yan!” ang nagbigay ng dagdag na kaibigan. Pito ang nadagdag sa aking mumunting listahan.Sana hindi mabura ang pito kapag tumagal-tagal na. 

Nagmadali kaming naglakad pauwi ng dormitoryo. Medyo nag-cramming na kasi si King sa pagtapos ng kanyang painting. Umuwi din naman ako sa probinsya para masilayang lumalabas ng unti-unti si genie sa bote. Lumawak na naman ang kaalaman, sumubok ng bagay na hindi ginagawa kadalasan.Matatagalan ang "sa uulitin" pero pinindot ko ang "-m-a-y- -k-a-s-u-n-o-d- -p-a- -n-a-m-a-n"-.


Tinipa na ulit ang bawat teklado, hindi nagamit lahat ng piraso ngunit nakabuo ng teksto. Napansin kong may mga pirasong hindi napindot para ibalik ang ibang bagay. Hindi na rin kinuhit ang ibang maglalagay at magbabalik ng masamang karanasan.



Tuldok ang huling pirasong tinipa ko para matapos ang kwentong ito.

Comments

Popular Posts