Konti lang ang gusto ko

Takot akong mag-isa, takot na maiwan pagkatapos sabihang pinagkakatiwalaan kita. Kaya hindi ako humihingi nang malaki, at hindi tunataya nang sagad kasi konti lang ang gusto ko, alam ko yun. Kung anong kayang ibigay, masaya na.

Gusto ko lang  makakwentuhan ang mga kaibigan pagkatapos ng isang mahabang araw. Gusto ko lang makapagkape habang sinusulat ang libring matagal nang nakatengga. Ayaw kong marinig ang mga kuda nilang hindi ko kilala, ng mga taong hindi ako tinuturing na mahalaga.

Konti lang ang gusto ko. At alam ko iyon. Gusto ko lang mabuhay nang kung ano ang gusto ng Diyos. Gusto kong magdasal nang isang buong araw para malaman kung gaano kahalaga ang kagustuhan niya sa buhay ko. Ayokong magdesisyon ng pansarili, at mabuhay na parang akin ang bawat oras na pinahiram.

Masaya akong tumulong sa mga taong may pagpapahalaga. Wala akong pakialam sa mga taong alam lang ay kanilang kapakanan.Malungkot ako sa piling ng mga taong hindi nakakaunawa. Galit ako sa mga taong ang gusto lang ay magmayabang. Hindi ko kayang tiisin ang mga mapag-namantala.

Konti lang ang gusto ko pero kulang ang papel para sa kanilang lahat. Marami rin siguro along nakakaligtaan pero konti lang talaga ang gusto ko. Dalawang salita lang ang gusto kong sabihin ngayong malalim ang titig mo sa akin.

Comments

Popular Posts