Via Sta Cruz,Via Sn Pablo?: Saan ba ang daan malapit sayo?

Dahan-dahan lang ha.

Bumalik ako sa daan, kung saan matagal na ding hindi nasisilayan. Hindi naman akalain na ang pupuntahan pala parang hindi na kilala.

Nag-alinlangan kung saan dadaan kaya pinagpipilian pa rin ang daan kung saan mas madaling sumakay: kung saan mas malimit ang puno at hindi ang usok: daan na kung saan mas magaan sa bulsa: daan kung saan nahahaplos ng hangin ang mukha. Pinipili pa rin.

Kung anong dyip ang unang dumaan yun na lang, hayan na! sakay na!
Sa bayan, nang ang isang kaibigan ay sumakay, ang desisyon ay hindi pinagsisihan. Sa wakas, sa biyahe mayroong makakausap: sa wakas hindi mapapansin ang tagal ng oras. Isang mahabang kwentuhan. Sa totoo lang isang mahabang storytelling tungkol daw sa kanya at sa babaeng minamahal niya. Pinilit kong baguhin ang topic. Pinilit ipihit sa buhay niya at sa mga kaklaseng matagal nang hindi nakita at hindi sa isang babaeng hindi ko naman lubos kilala. Kamusta na si ganito? Si ganyan ba saan nag-aaral? Sina ganito ba, sila pa rin ba? Pinilit pag-usapan ang mga taong dati sa akin ay bale-wala lang. Pinilit ko ring ikwento kung ano ang pinagdaanan ko, yung blog na ito. Ngunit sa bawat isang pangungusap ba't parang bigla syang sasangat. Wala nang magawa kung hindi makinig sa kwento niya. In-love daw eh. 

Dahil hindi ko ito nararanasan, siya ay pinilit pakinggan. Napansin kaya niya na iisa lang ang binubuka ng bibig  niya? Sabi ko nga, gusto ko itong lalaking 'to, mahilig mangarap. Yung babaeng ikinikwento pa lang niya isa nang malaking pangarap. By the way, change topic na. 

Kung may subject daw na love o kaya  subject tungkol sa pagpapasagot ng oo sa babaeng gusto mo tiyak singko na ako. Pero parang hindi ito tamang pag-usapan kaya balik tayo sa daan (next time na lang ha).

Bumaba kami sa pinanggalingan kung saan sa amin sumalubong ang mga lumang kaibigan. Kung saan yung inisnab ang naging isnabero; kung saan yung ngumingiti at hindi nginingitian ang hindi lumingon sa kanilang mga sigaw. Kung saan yung dating nagtatampo ang ngayon ay pinagtatampuhan. Ngayon itong mga tao boses na lang ang kilala. Tuwing dadaanan ang tapat ng room nila nakikinig ko pa rin yung mga tawanan na dati ako ay kasama.Nakikinig ko pa rin yung mga kwento sa mga babaeng kanilang nakilala. Ngayon, ako ay hindi na kasama: wala na yung kalaro nila ng basketball; wala na yung taong nakikisakay sa kanilang mga biro: wala na yung taong pinakikinggan ang kanilang kwento.Gusto ko sanang pumasok sa pintuan at makipagkwentuhan ngunit natatakot na baka ako ay nakalimutan. Natatandaan ko pa rin nung una: nung pare-pareho pang hindi alam ang pasikut-sikot: nung panahon tayo pa lang ang magkakasama sa pagkain sa  kfc  at pagbili ng ice cream sa  mini stop.  Natatandaan nyo pa kaya noong sinabi kong nami-miss ko yung mga dati kong kaklase nang minsan silang nakasalubong? Ngayon kayo na ang hindi kasama samantalang yung dati ang muling nakikita.

Kahapon si in-love na kaibigan ay aking tinulungan na mapunan ang units na kailangan. Madali pala syang sumuko ngunit pinilit kong isama sya pabalik para makiusap. Porke eight units lang siya at porke daw ang registration ay patapos na. Pinilit ko syang bumalik pagkasabi nung mama na sa kanyang seksyon puno na ang lahat. Salamat naman at ako ay pinakinggan.

Kahapon din ang the ay hindi na da at ang por-terti ay pinilit maging four-thirty. Ayoko na sana, ang hirap pala pero kwento ni ma'am yung mga mangyan daw na kanyang tinuruan ang tawag sa kanya ay madam at yung mga mangyan daw alam kung paano bigkasin yung th. Ayoko namang magpatalo kaya ginawa kong thiry-three ang noon ay terti-tri. Mahirap pala.

Sa pagtatapos ng bawat linggo nakakasalubong ko yung dating kaklase, nung una isang nag-aaral na sa mapua at kahapon ay yung tahimik kong katukayo. Hindi mahaba ang pinagkwentuhan, bakit ba awkward ang panyayaring ganito. Ang kausapin ang matagal nang hindi nakausap: ang batiin ang matagal nang hindi pinansin.

Sa kabilang daan ako nagtungo. Naalala ko yung unang daan. Gabi na pala nine-thirty na. Bukas  sana makita muli ang dating kaibigan. Kailan ko kaya ibibigay yung rosal?

Comments

Popular Posts