May Isang Kwentistang Walang Ibang Kwento Tulad Nito


Panlimang beses  nang pinipindot ang replay button.  Ang kanta? Tadhana ng Up Dharma...

Naikwento ko na nga ba ang tungkol sa aking mga pangarap? Pangarap na aksidenteng nabuo noon habang nagmamadaling itama ang talipang tsinelas; mga inaakalang pangarap ngunit sa totoo ay side-effect lang ng mga damdaming nakalalango, nakamamatay; pangarap na bunga ng kakulitan at katigasan ng ulo; ng pagdurugtung ng  tatlumpo at higit na salita sa isang pangungusap; ng pagkekwento ng mga bagay na hindi in-intensyong ipaalam sa iba nang lubusan; ng mga deskripsyong animo’y walang hanggan.

May mga bagay akong pinag-iisipan ngayon.  Iniisip ko ang mga kahinaan ko bilang isang kwentista, isang estudyante at isang ambisyosong  mangangarap na wala namang konkretong pangarap. Nakatingin ako sa buwan, Napakatapang na bituin, O’ napakayabang para sumabay sa buwan. Iniisip ko kung bakit sa tuwing dumarating ay ang pagpanaw ng maliit at makulit na kuting. Iniisip ko kung bakit hindi ko nakaugaliang magsulat nang diretso sa punto.

Bilang isang kwentista, na kadalasan ay nagsasalita lang para magpabibo, may mga nakwentuhan ako ng aking mga plano sa buhay. Kung hindi ka kasama, sige sasabihin ko na din: Nagpasya akong magbago ng pinag-aaralan na propesyon mula sa pagigi sanang inhinyero patungo sa pagiging wirdong sosyologong walang ibang ginawa kundi magtanong at magpalawak ng mga kahulugan ng mga maliliit na bagay. Bakit ang lalaki ang kailangang manligaw? Bakit ang babae kailangang inaakay? hinahatid sa bahay? sinusundo? Bakit patuloy na humihingi ng pagkakapantay-pantay ang mga babae ngunit sa isang banda ay nag-aasam ng espesyal na atensyon, proteksyon at  aruga mula sa lalaki? Bakit hindi na uso ang harana? Bakit ba ni-revive at binaboy ang kantang Prinsesa? Sobrang daming tanong na sa isang punto ay pwedeng sagutin  ng E ganun talaga e. Wala tayong magagawa.  

Magulo ang isip ko ngayon:

Kabataan, kalakasan, pag-ibig, C  roommates na nakikisiksik sa gabi, O’ academe, abogasya, acads, gc daw ako, si sir zaldy na pinagkunan ng mga tanong, mga inspirasyon na bigla na lang sumusuLpot , mga kanta na paulit-ulit: pag-ibig, ang nakakaasar na Exchange gift wish list, Eraserheads, tapusin natin dito. Next line please.

(Yang nasa itaas ang mga naisip ko sa loob ng isang minuto, kagaya ng dati laging may mas matimbang laging may nakatago at laging may mga hindi napapasama.)

Nakapapagod pala  kung marami kang gustong gawin ngunit walang sapat na kakayahan para maisakatuparan ito. Isa na namang basurahan ang espasyong ito, mga ideyang patapon na inipon para lamang may mga bagay na takasan at limutin muna.

Hindi ko naisulat ang totoong kwento, kagaya ng dati, wala na namang kinalaman ang paunang pangungusap sa kabuuan ng lathala.  Sa susunod ko na lang ikekwento, hintay ka lang, saglit lang 'to.

Comments

Popular Posts