Cheat Day

Ang mali na hindi ko magawa-gawang alisin ay maging kalmado kahit hindi ako pinapahalagahan ng ibang tao. Matagal na yatang matigas ang sense of security ko sa sarili ko. Ewan. O baka, at pinaniniwalaan kong eto ang mas matinong dahilan, naiintindihan ko kasi ang pinaggagalingan nila. Kapag may taong galit sa akin, inuunawa ko siya, at naa-appreciate na kaya nilang maging totoo sa akin. Wala akong hawak sa emosyon ng ibang tao, pero alam ko sa sarili ko na ang huling emosyon na gusto kong hawakan ay galit sa ibang tao at pagkaawa sa sarili, ayoko din ng tampo, ayoko din ng selos, ayoko din ng inggit, at sobrang kadiri ng obsession.

Kaya para sa akin, mas okay nang maging malungkot, kasi kapag ganun, sarili ko lang ang involved at hindi ko basta-basta maa-associate ito sa ibang tao. Tsaka, kapag malungkot ako, mas gumaganda ang boses ko, mas lumalalim ang senti, at mas nagiging realistic ang portrait. Mas creative. Mas artistic. At mas prone sa depression. Yun nga lang.

Siguro dahil sa intuitive talaga akong tao, madali akong maapektuhan ng damdamin ng iba. Basang-basa ko kapag may kakaiba sa isang room. Ramdam na ramdam ko kapag masaya sila, o kapag may bakas ng pag-aaway, o may parating na hindi magandang balita.

Sa mga nangyayari sa mga tao sa paligid ko lately, hindi ko maiwasang isantabi ang ego ko para lang may paglabasan sila ng emosyon. Kahit nagmumukha na akong ewan, sige lang, kakausapin pa rin. Pinapakita pa nga na ayaw nila akong kausap, pero okay lang. Kung may isang tao na kaya nilang kagalitan, dapat lang siguro na ako yun. Nagagawa ko yun kasi alam ko naman ang worth ko. Hindi ko tinitignan yun bilang paghahabol sa kanila, gusto ko lang talagang maging okay sila. Kahit papano. Kung ikagagaan ng loob nila, sige lang.

Hindi ako martir. Malaki ang pagkakaiba ng martir sa taong sanay lang talaga sa rejection. At alam kong ang rejection ay hindi nangangahulugan ng ending. Dami dyan, iniisnab ako dati, tapos mamukat-mukat, gusto nang tumambay lagi kasama ko. Dami kong tropa na ganun ang istorya. Kasi ganun naman ang tao e.

Ewan. Pinapanalangin ko na lang na maging maayos ang mangyayari ngayong linggo. Sa sobrang dami ng iiyak sa Valentines Day (hindi ako kasama dun this year, ayos!), hindi ko na kakayanin kung may maririnig pa akong mas masamang balita.

O siya. Sinayang ko lang tong post na to. Na-miss ko lang magpost ng mga medyo walang kwentang bagay. Tropa, eto lang tandaan mo, wag mo nang i-outsource ang kasiyahan mo sa iba. Tigilan mo na yan. I-outsource mo na lahat, trabaho, household chores, pagbaby-sit, basta wag lang ang kasiyahan mo at ang kunpiyansa sa sarili mo. Hindi nya sasabihin ang sweet na 143 ngayong V-day. Pramis. Pero rak lang. Ganun talaga.

Comments

Popular Posts