Tuwing Nagtatalo ang Utak at Puso

Paulit-ulit ko nang narinig ang mga kwentong naghihiwalay sa mga hangad ng puso at isip. “Sundin mo ang sinasabi ng puso mo,” na para bang may kakayahan ang puso na maging rational sa lahat ng pagkakataon, o may kakayahan ba itong magsalita para sa sarili niya? “Isipin mo ang pinakang-dapat,” na sa akin, ay isang tangka upang gawing manhid ang ating pandama.

At maaaring tama sila, dahil hindi natin kayang mamangka sa ilog na magkasalungat ang agos. O maaari ding hindi. Hindi tayo maniniwala, pero sa mga pagkakataong nagtatalo ang puso at isip, hindi tayo pinipilit ng pagkakataon na mamili lang ng isa. Dahil kahit mas mataas ang posisyon ng utak sa puso, pinapaluhod pa rin ito ng lubusan sa tuwing pikit-bulag tayong magmamahal at biglang iiwanan kinabukasan. At kahit magawa nating pairalin ang puso na walang inisiip, kinaumagahan tatamaan tayo ng sisi; patunay na hindi natin maiiwasan ang pangaral ng sarili (nating utak).

Matagal na tayong iniwan ng sarili nating kaisipan at damdamin sa mga panahong tayo'y nagpanggap at hindi nagpakatotoo; sa mga panahong nalimutan natin kung paano maging tayo. At may paraan ang Diyos para alisin tayo sa sari-sarili nating kahon sa ganitong pagkakataon. Darating ang desisyon nang walang pasabi. Bigla na lang nandun ang tapang na gawin ang sa tingin mo’y marapat. Bigla na lang mapapansin ang kakayahang hindi mo inakala. At babalikan mo ang utak at ang iyong puso, pero wala roon ang bakas ng anumang pagtatalo.

Comments

Popular Posts