Sayo

Inimbitahan mo ako sa iyong mundo. Hindi pala, inimbitahan ko ang sarili ko sa mundo mo. Kinatok ko ang iyong nakaraan at kasalukuyan gamit ang iyong mga akda. Sa tula mo, nalaman ko ang kalungkutan mo; kung paano mo pinipilit kumawala sa dilim. Dinarama kita, inuunawa, binabasa nang paulit-ulit.

Naisip kong utangin ang lungkot mo kasabay ng pagtakas ko palayo. Nanakawin ko ang pait na dala ng sobrang pag-iisip. Gusto ko ang lalim mo, gayundin ang saya mo sa ibang malilit na bagay. Pero ayoko ding nababasa na hindi ka binibisita ng pagkaantok sa gabi. Hindi ko kayang isipin na wala kang kapayapaan, o marinig na sumuko ka na sa pag-asang daratnan ka ng kasiyahan. Gagawin ko iyon kung maaalis nito ang iyong danas.

Hindi kita pinaglalaanan ng oras para lang malaman mong kakalimutan ko rin naman ang lalim na nakakubli sa iyong tugma. Sumusulat ako ng prosa. Humihiram ng lakas ng loob sa alak at sa pag-asang mababasa mo din ito. Kung hindi ngayong gabi, bukas; kung hindi bukas, makalawa; kung hindi man, ipapadala ko ito sakaling dumating ang tapang.

Sumusulat ako para ipaalam na naiintindihan kita. Nandito ako para ipaalala na sa mga hamon na sinasarili natin, hindi din masamang humanap ng makakasabay. Sumusulat ako hindi dahil sa napagtagumpayan ko ang sarili kong dilim, pero dahil naniniwala akong may gaan ang paglalakbay ng may kasama.

Dito sa kinakatayuan ko,tinatanaw kita. Sana naririnig mo ang mga bulong ko.

Comments

Popular Posts