Project saw-i

Pinapatigil ako sa paglalakad ng mga damdaming nagpapalit-palit. Kaliwa at kanan, halinhinan ang emosyon kong akala mo’y nag-usap. Sa kinatagalan, natutunan ko nang hindi pansinin masyado ang mga bagay patungkol sa damdamin. Higit ko nang alam ngayon na kung pagbabatayan ang mga pandama, madalas mauuwi ako sa provelicious tuwing hapon at aaraw-arawin ang scrambled egg at liempo kasi simple lang akong tao, hindi ba?

Sa halip, natutunan kong kumain ng oatmeal tuwing almusal at magkulong lang sa cubicle para makatipid sa oras. Kung susundan ko din ang paandar ng damdamin, hindi magbibigay ng higit sa kinakailangan para sa trabaho at hahayaang maingay ang mga eskwela. Dahil sa kinatagalan ang mga maiingay na damdamin ay madalas inuuna ang sariling kapakanan.

Hindi mo mapangaralan ang pandama dahil sa iba ang lingwaheng sinasambit nito. May sariling katwiran ang damdamin. Minsan, iuudyok ka nitong gumawa ng sarili mong mundo para ma-kondisyon na mayroong taong walang sawang nag-aalala sayo.Kaya minsan tatawagin ka ng damdamin sa mga kalyeng ayaw mong daanan kasi alam mong punong-puno ito ng streetfoods. Dahil sino bang gurong kakatapos lang sa klase ang tatanggi sa mabilisang panglamang-tiyan? Tatawagin ka nito kahit ilang beses mo nang naisip na baka merong ilang-araw nang fishball sa ilalim ng sows nito at sobrang itim na ng mantika. 

Sana kapag tinanong ka ng damdamin kung gusto mong sumugal tandaan mong may mga pagpipilian ka: 1) bukas na lang masyado pang maaga, 2)bukas na lang katanghalian at kelangan ko ng siesta, 3)bukas na at kelangan mong matulog. Kapag inudyok ka ng damdamin mong balewalain ang mga bagay na meron ka ngayon, tandaan mong papangakuan ka niyan.

Alam nating tinawag itong pangako dahil sa bandang huli, nagtatapos pa rin ito sa ako. Patunay na ito ay patungkol pa din sa kanilang interes. Kaya kapag hinawakan niya ang kanang kamay mo at inaya  ka niya sa kalye sa Demarces, para mag-proben, hawakan mo ang braso niya gamit ang kaliwang kamay mo, "Isaw lang ang gusto ko, isaw."

Comments

Popular Posts